Thursday, January 1, 2015

Matandang Lansangan

"Matandang lansangan? Ano yun, meron ba nun?" Sa pagkakaalam ng karamihan ang karaniwang nagagamit lang para ihalintulad ang isang palaboy ay batang lansangan. Hindi mo aasahan na may taong gagamit ng salitang "Matandang lansangan" bilang isang paglalarawan sa kung anung nakikita ng ating mga mata. Sabagay, tila imposible namang gamitin ang salitang "matanda" kaakibat ng salitang "lansangan" o pulubi. Ang "matanda" ay isang punto sa buhay ng isang tao kung saan siya ay malaki na, may maayos na pangangatawan, "matured" na pagiisip at may kakayahang gumawa ng bagay para sa kanyang kinabukasan. Kaya naman pag ang tao ay tumungtong sa antas kung saan siya ay matanda na, maraming bagay na ang tatakbo sa kanyang isip; maghanap ng trabaho, humanap ng mapapangasawa, makipagtalik at magkaroon ng anak, bumuo ng pammilya, at magkaroon ng magandang kinabukasan. Ang mga matatanda ang magpapasya kung anu ang magiging kapalaran ng mga kabataan, mga susunod na henerasyon, at pagaasikaso sa mga mas matatanda na wala ng kapabilidad upang gawin ang gusto nilang gawin. Dito natin masasabi na ang pagiging "matanda" ay PERPEKTONG EDAD o "standard" kung tawagin sapagkat sa kanila nakabase ang mga hakbang na gagawin at makakaapekto sa lipunan. Ang mga matatanda ang magtatakda ng kung anung tama at kung anung dapat baguhin. Kung sila ang may hawak ng manubela ng ating lipunan, ang ibig sabihin ay sila rin ang may responsibilidad patakbuhin ito!

Kakatwang isipin na sila ay galing din sa pagkabata, at kung anung paraan ng mentalidad nila nung sila ay tumanda, ay nakabase sa kung paano sila lumaki at makipagugnayan sa kanilang kinalakhang buhay kung saan naman sila ay pinapalaki ng kanilang mga magulang, na isa ring matanda. 

Sila ang mangagawa, sila ang bumubuhay, at sila rin ang nagpapasya sa magiging kinabukasan nating mga kabataan. Makikita natin na ang ating mga magulang. Napapagod, umiiyak, nagpapakahirap upang bigyan tayo ng magandang buhay, na sa totoo lang ay ang kanilang pangunahing layunin ay hindi maging isang inutil na magulang para sa atin, at ang "pagmamahal" ang nagiging sukli.upang hindi sila magmukhang kaawa-awa.

Lahat ng bagay ng ito ay naglaro sa aking isip nung ako ay mag OJT o "On the job training" kung saan ako ay pumasok bilang all-around sa isang Chinese Restaurant sa Mandaluyong. Doon ko naranasan ang pagod na tinatamasa ng bawat isang matanda. Hindi mo na mamamalayan ang oras kapag "on-duty" ka, lalo na kung nag-eenjoy ka sa trabaho mo. At kapag ako ay uuwi ay hihilata nalang sa kama at iisipin ang mga pagod, nakakatuwang bagay at pinagsisisihang desisyon ng araw na iyon. Umulinig sa aking utak, tila ba paulit-ulit, "Ganito ba maging isang matanda??!". Naaalala ko ang mga nakikita kong mga tatay na umuuwi sa kani-kanilang mga pamilya pagsapit ng gabi; walang gana at halos hindi na namamansin.

Dito ko rin napagtanto na sa sobrang hirap ng kanilang buhay ay nakalimtan na nilang mabuhay, nakalimutan na nila kung para saan ang mga sakripisyong kanilang ginagawa, nakalimutan na nila kung anu ba talaga ang kanilang layunin sa lipunang ito. At saka lang nila ito maiisip kung kailan huli na ang lahat....Kung saan wala na silang magagawa pa. Na hindi pala nila nabago ang kapalaran ng bawat tao, na hindi nila mailalagay ang kanilang pangalan at itatak sa pader ng kasaysayan.

Matanda ngang ituring, pero parang bata na nabubuhay sa nakaraan. Gusto ng pagbabago, pero ayaw mag bago. May kakayahan, pero di kayang gawin. Siguro nga, bawat isa sa atin.... lalakad sa kalsada, madungis, hindi nalinis ng kaalaman.. umaasa.. tatanda.. bilang isang MATANDANG LANSANGAN.